Masasabi ko bang ang mismong puso ng Kristiyanismo ay ang Puso mismo ni Kristo Hesus? Bilang isang Romano Katoliko, tinatanggap natin ang puso ni Kristo bilang Eukaristiya sa pisikal at espirituwal na paraan upang tayo ay maging katulad Niya, upang maging isang imahe ng Diyos.
Ang Eukaristiya, isang himala na nangyayari sa tuwing nagdiriwang tayo ng Misa. Gaya ng ginawa ni Kristo sa kasalan sa Cana, kung saan ginawa Niyang alak ang tubig. Gayun rin naman sa Misa, ginagawa rin ni Kristo ang tinapay at alak na maging Kanyang Sariling Katawan at Dugo. Sa Misa ay tinatanggap natin si Kristo sa espirituwal, intelektwal, at pisikal. Oo, si Kristo ay hindi patay at gumagawa pa rin ng mga himala dahil Siya ay isang Diyos ng lahat ng mayroon at wala (Diyos ng lahat ng umiiral at hindi umiiral). Ang Diyos ay kasama pa rin natin at sabik na naghihintay sa atin na lumapit sa Kanya upang higit pa Niyang maibigay ang Kanyang Sarili sa atin.
Ang Eukaristiya, ang mismong Puso ni Kristo, ay kadalasang ipinagwawalang-bahala, hindi pinapansin, o hindi nabibigyan ng nararapat na paggalang, kahit ng ilan sa loob ng Simbahan. Kalungkutan ito para sa Simbahan, sapagkat ang Banal na Misteryo ng Eukaristiya ay hindi palaging ganap na kinikilala o nauunawaan sa labas ng pananampalatayang Katoliko. Madalas dahil sa pagkakaiba ng paniniwala, pinanggalingan, o espirituwal na paghubog.
Ang Simbahang Romano Katoliko ay isang Kristiyanong pananampalataya na natatanging pinagkalooban at pinananatili sa pamamagitan ng Buhay na Manna (Eukaristiya), si Kristo mismo at mula kay Kristo mismo. Ang banal na kaloob na ito ay itinatag ni Kristo at naisulat sa Banal na Kasulatan. Ipinasa sa pamamagitan ng apostolikong pamana, at nararanasan sa Banal na Misa. Ang lubos na realidad ng Eukaristiya ay matatagpuan lamang sa Simbahang itinatag ni Kristo mismo, na ipinasa mula pa sa mga salinlahi ng sangkatauhan. Ang misteryong ito ay hindi mahahanap at hindi kailanman makikita o matatagpuan kahit saan pa man. Sapagkat si Kristo mismo ang "nagbubukas na walang makapagsasara, na nagsasara at walang makapagbubukas."
Upang maging isang residente ng langit, ang tao ay dapat na maging banal sapagkat ang Diyos ay Banal. Ang kabanalan ay posible lamang kay Kristo, kasama ni Kristo, para kay Kristo, at sa pamamagitan ni Kristo mismo. Sinabi rin Niya mismo na Siya ang Daan, Katotohanan, at Buhay. "Walang makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan Ko." Sa pamamagitan ng pagtanggap ng Eukaristiya sa Misa, tinatanggap natin mismo ang Puso ni Kristo, at sa pagpapahintulot natin na ang tibok ng Puso ni Kristo ay maging tibok ng ating mga puso, tinatanggap natin ang Kanyang "kaharian na mapasaatin dito sa lupa gaya ng nasa langit."
Ibig sabihin lamang nito, mahalaga ang Simbahang itinatag ni Kristo mismo. Mahalaga ang Simbahan na katawan ni Kristo. Mahalaga ang Simbahan dahil itinatag ito ni Kristo para sa iba't ibang kadahilanan: upang makilala natin Siya, mahalin nang higit at may lalim ang Diyos, at makapiling Siya gaya ng nasa langit kahit habang tayo’y naririto pa lamang sa lupa.
Nawa’y maging katulad ng Puso ni Kristo Hesus ang ating mga puso habang tinatanggap natin Siya sa Kanyang Banal na Sakramento ng Pag-ibig.
Paalala: Ang nilalamang ito ay layuning hikayatin ang panalangin at pagninilay. Hindi ito opisyal na pahayag ng doktrinang Katolika.